Wednesday, March 1, 2017

SI BASILIO ♣ KABANATA VI






BUOD

      Madilim ang gabi at si Basilio ay naglalakad sa loob ng isang gubat na dati'y pagmamay-ari ng mga Ibarra. Sa gubat na iyon inilibing ang kanyang namayapang ina na si Sisa. Nang makarating si Basilio sa puntod ni Sisa, marami siyang naalala. Naalala niya ang mga nagdaang paghihirap na kanyang naranasan nang pumunta siya sa Maynila. Ito rin ang panahon na kung saan wala na siyang matirhan at makain. Natandaan rin ni Basilio kung paano siya nakita, kinupkop at pinag-aral ni Kapitan Tiyago. Bagama't hindi siya pinapansin ng kanyang mga kaklase at guro dahil siya'y naiiba sa kanila, hindi pa rin nawalan ng determinasyon si Basilio. Nagpatuloy siya sa kanyang pagsisikap hanggang siya ay nakatungtong sa kolehiyo at kinuha ang kursong Medisina.



TAUHAN

♣ Basilio - Siya ang panganay na anak ng namayapang si Sisa. Nang namatay ang kanyang ina, siya ay naging ulila. Pagkatapos ng kanyang pighati, siya'y nakipagsapalaran sa Maynila upang makahanap ng trabaho ngunit hindi ito naging madali sa kanya. Naghirap at halos walang matirahan at makain si Basilio. Halos siya'y magpakamatay ngunit hindi naging huli ang lahat dahil may kumopkop at nagpaaral sa kanya. Siya'y sinuportahan hanggang siya ay nakatungtong ng kolehiyo at kinuha ang kursong Medisina.

♠ Don Santiago de los Santos / Kapitan Tiyago- Kinupkop niya si Basilio dahil nangulila siya sa kanyang anak na si Maria Clara nang pumasok ito sa kumbento. Kinupkop at pinag-aral niya ang ulilang bata hanggang ito'y nag kolehiyo

 MGA TUNGALIAN AT SULIRANIN

Tao laban sa sarili - Nakaranas ng paghihirap si Basilio nang pumunta siya sa Maynila. Dahil rito, halos magpasagasa na siya sa mga kabayo upang mawala na lahat ang kanyang paghihirap. 

Tao laban sa tao - Pinag-aral ni Kapitan Tiyago si Basilio sa Juan de Letran. Habang siya ay nasa paaralan, siya ay hinuhusgahan at dinidiskrimina ng kanyang mga kaklase at mga guro dahil sa kanyang itsura at pananamit. Ito rin ay dahil isa siyang indyo na hindi marunong magsalita ng Espanyol. 

~Dahil rito, mas lalong nagpursige at nagsikap si Basilio. Siya ay naging determinado at sa huli ay napahanga niya ang kanyang mga kaklase at guro.






ISYUNG PANLIPUNAN

♠ Kahirapan - Ang kahirapan ay isa sa mga pinakamalaking isyu sa ating bansa. Ito ay isa sa mga matitinding suliranin na napakahirap lutasin. Maraming mga Pilipino ang nakaranas ng kahirapan. Ang mga dahilan kung bakit ito lumaganap: walang trabaho dahil hindi nakapag-aral, mabisyo, walang mga magulang o ulila kagaya ni Basilio.

           Ang problema na ito ay maagapan kapag ang lahat ng tao ay magsisikap at hindi tamad. Maaagapan din ito kapag ang mga tao ay tapat at hindi korap.


Diskriminasyon - Pangungutya at panghuhusga sa itsura, pananamit, kulay, kasarian at paniniwala ng isang tao ay mga halimbawa ng diskriminasyon. Ang diskriminasyon ay naranasan ni Basilio noong siya ay nag-aaral sa Juan de Letran. Hinihusgahan siya dahil sa kanyang itsura at pananamit. Hinuhusgahan rin siya dahil siya ay isang indyo na hindi marunong magsalita ng Espanyol. Hanggang ngayon, maraming mga Pilipino ang nakaranas ng pangungutya at pagdidskrimina galing sa mga banyaga o sa mga kapwa Pilipino.


GINTONG ARAL

"Huwag sumuko."

Sa ating buhay, maraming pagsubok ang dadaan. Ito man ay maliit o malaki, dapat huwag tayong paghinaan ng loob. Isipin na ito lamang ang paraan upang tayo ay magiging mas matatag na harapin ang iba pang pagsubok na dadaan sa ating buhay.